Indigenous Philippines: Bikol Poetry in Translation

Gems

by Jaya Jacobo
Translated from Filipino by Christian Benitez

Hiyas

Ang perlas na dapat
nasa loob
ng kabibe, hayo't
nakalaylay
sa dulo ng sanga.
At ang duhat na sana'y
naghantong doon,
hiyas na babantayan
ng dakilang
pugita.

Halos ganito nga
ang pakiramdam
ng nalalaos
sa hangarin.
Nagkakanda-bali-
baligtad ang binahagdan
na ng ulirat.
Umitim ang hiyas sa ilalim
ng dagat, nagkalama't
buto, naku, maaagnas!

At ang pitasing
hiyas, aba'y pumuti't
medyo may kabigatan,
bahagya man itong bumanaag.
Iyong para sa walang habas
na sorpresa,
palay na ibinilad
sa tanghaling-tapat.

At ang laan para sa takdang
unos, kagabi'y
kumukulapol na langis
at tubig na lamang
sa batalan.
Ganunpaman, ano pa rin
ang sayang
kung magkapalit,
hiyas sa hiyas?

Gayundin ang salot,
kumpas lamang
ay rigodon!

Nalalaos,
di na naghahangad.
Ibinunton
ang abot-kayang
duhat sa di-abot-diling
perlas.